Pagbukas mo ng ref, walang malamig na tubig. Wala ring yelo. Maya’t maya kasing inom ng inom, hindi makahabol ang ref sa lakas nyo uminom ng tubig at juice.
May tao sa labas. Ah, yung nagde-deliver ng tubig na ino-order mo sa Pure Canadian Water. Bakit Canadian samantalang nasa Pilipinas kayo, hindi mo alam, basta sila ang pinakamalapit na nagbe-benta ng drinking water sa bahay mo.
Nagbayad ka ng buo, pero wala siyang panukli. Di bale kamo, tiyak namang magkikita kayo sa makalawa dahil o-order ka uli ng tubig. Ibawas na lang.
Pag-alis niya, bubuksan mo ang motor ng tubig para maipunan na ang inyong Best Tank. Bobombahan mo ang iyong inflatable pool,at iipunan din ng tubig, siguro mga kalahating dram. Tiyak na maglulublob na naman ang mga bata. Araw-araw na lang silang nandyan, pero hindi sila nagsasawa.
Actually, gusto mo rin sanang magbabad sa pool nila, kaso di ka kakasya. Di bale, sa Linggo, magi-ipon ka naman ng tubig para doon sa isa nyong pool, mga apat na dram ng tubig ang capacity ayon sa manual. Sa ngayon, mag-imagine ka na lang muna na magda-dive ka sa swimming pool na punong-puno ng crushed ice habang naglalaro na ang mga bata.
Naalala mong lumalago na ang damo sa harapan ng bahay mo. Pati ang mga halaman dahil hindi mo nati-trim ay malapit na magmukhang damo. Sa totoo lang, hindi mo maisip kung kelan mo aasikasuhin ang garden mo, samantalang minsan mong nasabi na hilig mo ang mga halaman. Kelan ba ang tag-ulan, sabay sulyap sa kalendaryo ng iyong cellphne. Para nga naman madaling bunutin ang damo.
Malapit na ang tanghalian, pero tinatamad kang magluto dahil pakiramdam mo pati ikaw ay maluluto. Pa-deliver na lang, sagot ng asawa mo. Tumawag ka sa Jollibee 87000, pero tatlumpung minuto ka na duma-dial puro “The number you dialed is busy at the moment” ang sagot sa iyo. Nagbukas ka na lang ng de-lata.
Bago kumain, inutusan mo ang asawa mong bumili ng Coke sa tindahan, love ka naman niya kaya siya na lang lumabas ng bahay. Pagbalik niya, wala na raw Coke. Sa apat na tindahan.
Pagkatapos mananghalian, magkukulong na kayo sa kwarto dahil sa kwarto nyo lang may aircon. Naglitanya na naman ang asawa mo na gusto na talaga niyang mag-install na rin ng aircon sa sala, ikaw lang ang matigas ang tanggi dahil tiyak na bubulusok ang meralco bill ninyo. Pero ngayong halos isang buwan na kayong nakatira sa silid, parang gusto mo nang bigyan ng approved by signature ang mga plano niya.
Bago isara ang pinto may dala ka nang pagkain, magazine, dvd at wag kalilimutan ang extension ng telepono dahil ayaw mo nang lumabas. Habang nagsi-siyesta ang mag-aama ay nire-ready mo ang budget mo. Kelangan mong dagdagan ang kalimitang budget sa kuryente at tubig, hindi libre ang pang-aircon at pang-swimming ninyo.
Bandang hapon naalala mong kelangan mo nga palang mag-grocery dahil wala nang laman ang ref mo kundi tubig. Ilang beses mo kasing kinansela ang pamimili mo nitong nakaraang araw dahil iniisip mo pa lang na lalabas ka ng kotse sa parking lot na walang bubong ay nanlulumo ka na. Pero ngayon, wala ka nang choice. Di bale, mukhang excited naman ang mga bata, wala sa kanila ang init-init na yan basta layasan.
Pagdating mo sa mall, nagkalat ang mga babaeng nakasuot ng mga t-shirt na walang manggas at mga mini-skirts at hot pants. Kahit may ibang hindi carry, naiintindihan mo. Sa lagay ng panahon ngayon ok nga lang siguro na wag na munang isipin kung bagay ba o hindi ang magpakita ng katawan.
Pagpasok mo sa grocery…. ano?! Wala ng Nestea Iced Tea Lemon? Ang natira na lang Calamansi at Dalandan, hindi mo naman gusto yan. Yung Lipton Iced Tea na lang, Lemon din naman. Bibilisan mo ang pagkuha kasi kokonti na lang rin. Unahin mo na ang pagbili ng ice cream, malamang paubos na rin.
Inabutan na kayo ng hapunan, pero ang gusto mong kainin ay hindi kanin at ulam kundi halo-halo sa Digman. Nagda-dalawang isip ka pa kasi hindi ba, bad example yan sa mga bata. Buti na lang walang kamatayang manok ang gusto nila, di na nila pinakialaman ang halo-halo mo. At large rootbeer.
Madilim na paglabas mo ng mall, pero ang hanging sumalubong sa iyo ay parang galing sa kalan. Bigla mong na-miss ang malamig na mall. Nagmamadali kayong pumasok ng kotse at in-on ang aircon.
Pagdating na pagdating mo ng bahay, diretso ng banyo para maligo, na naman. Wala kang pakelam sa pasma, o sa banta ng sipon at ubo. On agad ang aircon sa kwarto, para kahit anong likot ng mga bata mabango pa rin sila.
Pero isasarado mo na ang ilaw, kelangan nyo nang magpahinga, dahil mainit na naman bukas.